MANILA, Philippines — Hindi pinayagan ng Palasyo ng Malakanyang ang kahilingan ng alkalde ng Naga City na ideklarang special non-working holiday ang death anniversary ni dating Interior Secretary Jesse Robredo noong Agosto 18.
Sa liham sa Malacañang ni Mayor Nelson Legacion na may petsang Agosto 10, hiniling nito na ideklarang special no-working day ang Naga City nitong Biyernes.
Sagot naman ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Anna Liza Logan na may petsang Agosto 17, sinabi nito na hindi pinayagan ni pangulong Bongbong Marcos ang kanyang kahilingan dahil naideklara na ang Agosto 18 bilang special working day sa buong bansa alinsunod sa Republic Act o. 10669.
Paliwanag pa ng Palasyo na mayroon ng batas na naipasa ang lehislatura para dito kaya ito ang dahilan para hindi mapagbigayn ang kahilingan ng Alkalde ng Naga.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng Malakanyang na kinikilala nila ang importansya ng paggunita sa kamatayan ni Robredo para sa mga mamamayan ng Naga City.
Magugunita na si Jesse Robredo ay dating Alkalde ng naturang lungsod at asawa ni dating Vice-president Leni Robredo ay naging kalihim din ng DILG na nasawi dahil sa plane crash noong 2012.