Fake endorsement inireklamo ng DOH adviser sa NBI

MANILA, Philippines — Nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang bagong talagang special adviser ng Department of Health (DOH) na si Dr. Tony Leachon dahil sa kumakalat na advertisements sa social media kung saan ginagamit ang kanyang mukha para sa mga pekeng gamot at iba pang produkto ng mga health products.

Sa complaint affidavit ni Leachon, sinasamantala ng mga ‘di kilalang indibidwal ang mga website ng mga ‘di kilalang authors at managers at maging sa social media para mag-endorso ng mga produkto na nagsasabing gamot sa ibat ibang kondisyon.

Kabilang umano sa mga iniendorso ng websites ang ‘Glufarelin,’ ‘Grandsure Gold,’ and ‘JointLab’ na hindi naman konektado kay Leachon at ginagamit lang ang kanyang litrato at pagkakakilalan para mag-endorso ng walang pahintulot.

Dalawang taon na umano ang naturang “unethical practice” at kinausap na niya tungkol dito si dating Justice Secretary Menardo Guevarra.

Bagamat hindi umano agad siya naghain ng reklamo ay patuloy naman ang pangangalap niya ng mga ebidensiya kabilang dito ang mga screenshots na pinapadala sa kanya ng kanyang mga pasyente.

“Nakakapagod siyang gawin, mapupuyat ka trying to prove na hindi ikaw ‘yon, na fake news ‘yon,” sabi ni Leachon.a

Subalit ang nakakaawa umano ay marami ang naloloko, nadidisgrasya at naoospital sa nasabing produkto kaya dapat na matigil ang panlolokong ito.

Nagkaroon naman umano siya ng katagumpayan nang atasan ni Health Secretary Ted Herbosa ang Food and Drug Administration (FDA) na makipag-coordinate sa mga otoridad para magsampa ng reklamo sa mga ito.— Danilo Garcia

Show comments