Presyo ng bigas magiging matatag na — Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging matatag na ang presyo ng bigas sa mga susunod na araw.
Ayon sa Presidente, ito ay dahil sa magsisimula na ang panahon ng pag-ani ng palay.
Paliwanag pa ni Marcos na nagsimula nang mag-ani ang mga magsasaka sa Nueva Ecija, Isabela at North Cotabato kung kaya malaki ang maiaambag nito sa suplay sa bansa.
Bukod dito, patuloy din umanong binabantayan ng pamahalaan ang presyo ng bigas.
Sinabi naman ni Agriculture Undersecretary Dr. Leo Sebastian, na ang inisyal na ani ng mga magsasaka sa Isabela, Nueva Ecija at North Cotabato ay umabot sa 900,000 metrikong tonelada.
“Palay harvest will peak in late September to October, contributing largely to the country’s second semester (July to December) production, estimated at more than 11 million metric tons (MMT),” ayon pa kay Sebastian.
Nauna nang siniguro ng Pangulo sa publiko na sapat ang suplay ng bigas sa bansa hanggang matapos ang El Niño phenomenon sa susunod na taon.
Ito’y matapos siyang makipagpulong sa industry players sa pangunguna ng Private Sector Advisory Council and the Philippine Rice Stakeholders Movement (PRISM) sa Malakanyang.
- Latest