BuCor: ‘Baryo’ na makakasama ng preso ang pamilya, itatayo
MANILA, Philippines — Pinalutang kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang posibilidad na pagtatatag ng isang baryo kung saan maaaring makapamuhay ang mga ‘persons deprived of liberty (PDLs)’ kasama ang kanilang pamilya habang pinagsisilbihan ang kanilang sentensya.
Sa panukala ni Catapang, tanging mga PDL na mayroon na lamang tatlo hanggang limang taon sa kanilang sentensya ang papayagan na makapamalagi sa baryo na tatawaging “Baryo Libertad”.
Plano itong itayo sa paanan ng bulubundukin sa may Barangay Iwahig sa Puerto Princesa, Palawan.
Kung maitutuloy ito, mayroon na silang inisyal na 20-30 PDLs na napili para mga unang mamalagi sa baryo.
“Kaya may Barrio Libertad. Together with their families, they will be staying at the foot of the mountain, they will reforest it, or they will — magtanim sila ng bamboo, for carbon trading, magtanim sila ng coconut,” ayon kay Catapang.
Maaaring ang proyekto ay maging isang “game changer” upang sa penal system at maging modelo pa para sa ibang parte ng mundo kung magtatagumpay.
Bukod dito, plano rin ni Catapang na magtayo ng housing village para sa mga PDL na napagsilbihan na ng buo ang kanilang sentensya, para dito na manirahan at mag-umpisa ng bagong buhay.
- Latest