MANILA, Philippines — Isang kongresista ang kumontra sa pagpapatalsik kay Arnolfo “Arnie” Teves Jr. mula sa Kamara matapos ang mga balitang walang kongresista ang tumanggi dito.
Inihayag ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez sa isang liham kay House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe na hindi raw naitala ang kanyang botong “No” sa expulsion ni Teves sa Kamara.
Related Stories
“I write to convey and reiterate my 'No' vote against the adoption of Committee on Ethics and Privilege Report No. 717 in relation to the expulsion of Hon. Arnolfo Teves Jr,” saad ni Alvarez sa kanyang liham.
Una nang ibinalitang sinang-ayunan ng 236 ang rekomendasyong patalsikin si Teves habang wala diumanong tumanggi noong August 16.
Kabilang sa mga dahilan ng rekomendasyong ito ay ang patuloy na pagliban ni Teves sa House of Representatives na walang leave. Bukod pa rito, sinasabing "nakakabastos" daw ang kanyang ugali sa social media na nakakasira sa imahe ng kamara.
Sa isang panayam, binaggit ni Alvarez na tutol siya sa expulsion ni Teves dahil hindi siya naniniwalang sapat ang mga dahilan upang alisin sa posisyon si Teves.
“Grave ba yun? Parang hindi naman yata," sabi ni Alvarez.
“Maraming iba na mas mabigat pa ang kasalanan pero hindi naman tinanggal.”
Binanggit din ni Alvarez na mabigat na parusa ang hinatol kay Teves at nababahala siya para sa mga nasasakupan ng kanyang distrito.
“Expelling a member of the House of Representatives… ay mabigat na parusa. Mawawalan ng representation ‘yong mga tao sa district ni Cong. Teves.”
Ang pagpapatalsik kay Teves ito ay ang pinakabagong bahagi ng isyung nagmula sa pagkapaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso nitong taon.
Una nang pinangalanan ng ilang suspek si Teves bilang "mastermind" ng pagpatay lalo na't karibal si Degamo ng kapatid niyang si Pryde Henry Teves.
Matatandaang dinesignate bilang "terorista" ng Anti-Terrorism Council kamakailan sina Arnolfo, Pryde Henry, atbp. sa kanilang mga kasamahan. — intern Matthew Gabriel