MANILA, Philippines — Sang-ayon ang 54% ng mga Pilipino sa pagpapalakas pa sa ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos upang matugunan ang mga isyu sa West Philippine Sea (WPS) partikular ang panghihimasok ng Tsina.
Base sa survey ng OCTA Research Group na isinagawa mula Hulyo 22-26, may 11% ng mga Pilipino ang hindi pabor dito habang 32% ang undecided.
Nasa 59% ng mga residente ng Mindanao at 56% ng mga taga-Luzon ang pabor sa Phl-US military ties; at 45% naman sa Metro Manila.
Pinakamatindi ang oposisyon dito sa Visayas na may 14%, nasa 11% sa Balance Luzon at Mindanao, at 8% sa Metro Manila.
Base naman sa ‘socio-economic class’, pinakamataas ng pagpabor ang nasa Class E na 67%, habang sa mga sumasalungat ay pinakamalakas ang nasa Class ABC na may 15%.
Gumamit ang survey ng face-to-face interviews sa 1,200 lalaki at babaeng respondents na may edad 18 taon pataas.
Sinabi ng OCTA na ang kanilang Tugon ng Masa nationwide survey ay isang independent at non-partisan poll.
Ang Estados Unidos ang isa sa mga bansa na naghayag ng suporta sa Pilipinas makaraan ang mga pinakahuling insidente sa Chinese Coast Guard sa WPS nang bombahin ng water cannon ang resupply mission sa Ayungin Shoal.