Iba’t ibang partido suportado pagsibak kay Teves
MANILA, Philippines — Suportado ng iba’t ibang partido ang desisyon ng Kamara na sibakin si Arnolfo “Arnie” Teves Jr. bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Negros Oriental ngayong 19th Congress.
Naglabas ng magkakahiwalay na pahayag ang Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI), National Unity Party (NUP), at PDP-Laban upang ipahayag ang kani-kanilang pagsuporta sa desisyon na pagtibayin ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na sibakin si Teves.
“With the sagacity and measured judgment that our storied tradition demands, the Partylist Coalition Foundation Inc. aligns with the collective determination of our fellow House Members,” sabi ng PCFI na pinamumunuan ni Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, chairperson ng Committee on Appropriations.
Ang pagsuporta umano ng PCFI ay naglalayon ding protektahan ang dangal at dignidad ng Kamara.
Ayon naman sa NUP na pinamumunuan ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, ang kredibilidad, karangalan at pagiging epektibo ng Kamara ay nakasalalay sa mga miyembro nito.
Sabi ng NUP, ang mga ebidensya laban kay Teves kasama ang aplikasyon nito ng political asylum ng walang konkretong dahilan, ang pag-abandona nito sa kanyang trabaho bilang mambabatas, at ang kanyang terrorist tag ay nakababahala.
Pinuri rin ng NUP ang House Ethics committee sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Ganito rin ang pananaw ng PDP-Laban na naglabas ng pahayag sa pamamagitan ni Surigao del Sur Rep. Johnny T. Pimentel, Deputy Secretary-General for Mindanao ng partido.
Sinabi ng PDP-Laban na lugi ang mga constituent ni Teves dahil hindi nito ginagampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin.
- Latest