MANILA, Philippines — Ipinababakante na ang opisina ng pinatalsik na si Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Kamara.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, nagpadala na sila ng notice sa tanggapan ni Teves nitong Huwebes ng umaga kung saan ipinapaalam ang naging desisyon sa botohan sa plenaryo na hindi na ito miyembro ng Kamara.
Sinabi ni Velasco na malinaw ang resulta ng botohan kung saan 265 mambabatas ang pumabor na mapatalsik si Teves.
Nilinaw din ni Velasco na ngayong pinatalsik na si Teves ay ang liderato na ng lower chamber ang magde-desisyon kung sino ang magiging caretaker sa distrito na binakante nito.
Sa kasagsagan ng suspension order kay Teves ay si Speaker Martin Romualdez ang nagsilbing caretaker ng Negros Oriental.
Samantala, binakante na rin ng mga staff ang opisina ni Teves dahil mga co-terminus ang mga ito, pero kung sila’y i-rehire ng panibagong caretaker ay wala naman itong problema.
Sa ngayon posibleng magtalaga na lamang muna ng caretaker dahil mahirap na magkaroon ng special election, wala ng panahon at kulang na rin ang resources ng Comelec.