MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang panukalang pagtataas ng suweldo ng mga empleyado ng pampublikong sektor kasabay ng presentasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP) sa Senate Finance Committee noong Martes.
Bagama’t nakabinbin pa rin ang Salary Standardization Law (SSL) 6, pinuri ni Go ang mga finance manager ng kasalukuyang administrasyon sa paghahanda ng mga mapagkukunan ng pondo para sa layuning ito.
Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng SSL 5 na ipinasa noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang tugon sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay.
Kung maipapasa ang SSL 6, tinanong ni Go si Budget Secretary Amenah Pangandaman kung may sapat na budget para sa 2024? Nabatid niya na may naka-earmark na P16 billion para rito.
Kinumpirma naman ni Pangandaman na mayroong nakalaang pondo na P16.25 bilyon, ngunit kailangan aniya ng pagpapasa ng SSL 6 Law.
Nagpahayag naman si Go ng kahandaang gawin ang kinakailangang batas para sa susunod na pagtataas ng suweldo ng mga empleyado ng gobyerno.
Si Go ang nag-akda at nag-co-sponsor ng SSL5 noong 2019 na nagbigay-daan sa ikalimang round ng pagtaas ng suweldo ng mga civilian employee ng gobyerno.