Presyo ng bigas pinamomonitor sa DA, DTI
MANILA, Philippines — Bagamat sinisiguro na sapat ang supply ng bigas, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) at ang Department of Trade and Industry (DTI) na mahigpit na i-monitor ang presyo ng bigas sa lokal na merkado.
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na patuloy na nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa pribadong sektor para mai-rationalize ang presyo at maging affordable ang bigas sa merkado at sa Kadiwa.
Ayon pa sa PCO, iniulat na ng DA na ang retailers ay nagbebenta ng bigas sa iba’t ibang halaga kung saan ang iba ay nagbebenta ng P38-P40 kada kilo habang ang iba ay P50 kada kilo.
Base pa umano sa DA price monitoring na ang well-milled local commercial rice ay binebenta sa P42-P52 kada kilo sa Metro Manila.
Habang ang regular milled local commercial rice ay binebenta sa P38-P50 kada kilo.
Nangako naman ang administrasyon Marcos na hahabulin ang hoarders at price manipulators ng bigas na nanamantala sa lean months bago ang harvest season.
- Latest