MANILA, Philippines — Aapela sa Korte Suprema si Bangsamoro Cotabato City Government Chief Minister Ahod Ebrahim hinggil sa desisyon sa Mandamus Case tungkol sa pagtatalaga ng provincial treasurer sa Maguindanao Del Norte.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Ebrahim na nirerespeto ng Bangsamoro Government ang pagtataguyod ng demokrasya, hustisya at ang umiiral na batas sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema.
Siniguro rin ni Ebrahim na hindi sila gagawa ng anumang hakbang na magdudulot ng anumang uri ng kaguluhan sa kabila ng pagkwestyon nila sa naging desisyon ng SC.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang natatanggap na kopya ng desisyon ang kampo ni Ebrahim subalit agad umano silang maghahain ng apela sa sandaling matanggap nila ito.
Nanawagan naman si Ebrahim sa lahat ng panig na maging maingat ang bawat isa habang kani-kanilang pinagtutulungan na maresolba ang usapin sa legal na pamamaraan.
Pinayuhan din nito ang mamamayan ng Bangsamoro na anuman ang kanilang paniniwala sa politika ay maging maingat sa kanilang mga ipapahayag para hindi ito makagulo at pagsimulan ng naunang kaguluhan sa mga apektadong lugar na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region at umaasa na matutuldukan na ang usapin sa lalong madaling panahon.