MANILA, Philippines — Hindi pa man tapos ang taon, milya-milya na ang layo ng Quezon City kumpara sa ibang lugar sa Metro Manila pagdating sa disgrasya sa kalsada — karamihan dito, itinuturong dulot ng "human error."
Ito ang lumabas sa datos na ibinahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa reporters, Martes, tungkol sa mga insidenteng nangyari mula Enero 2023 hanggang Hulyo 2023.
Related Stories
Sa kabuuang 44,493 na nadisgrasya sa National Capital Region sa nasabing time period, lumalabas na 16,700 ang nagmula sa QC. Malayong-malayo ito kumpara sa mga karatig na bayan:
- Quezon City (16,700)
- Mandaluyong (1,831)
- Marikina (2,129)
- Pasig (3,346)
- San Juan (544)
- Caloocan (1,343)
- Malabon (205)
- Navotas (86)
- Valenzuela (600)
- Las Pinas (1,793)
- Makati (3,014)
- Muntinlupa (1,272)
- Paranaque (2,110)
- Pasay (1,848)
- Pateros (75)
- Taguig (3,162)
- Manila (4,435)
Numero uno rin ang QC (46) pagdating sa bilang ng mga namamatay pagdating sa mga naturang insidente. Sa kabuuan, papalo na ito sa 168 isang buwan matapos makakalahati ang 2023.
Sinasabing umabot na sa 32,800 ang pinsalang naitamo dulot ng mga naturang banggaan. Sa kabutihang palad, 11,525 ang itinuturong "non-fatal injury" buhat ng mga nasabing road crashes.
Karamihan sa mga may tukoy na dahilan sa pagkakadisgrasya ay nangyari dulot ng "human error" sa bilang na 7,162. Dalawa ang namatay dahil dito.
Isa rin ang sinasabing namatay matapos "mawalan ng kontrol" sa kalsada habang nagmamaneho. 23 ang nadali dahil sa naturang kadahilanan.
Gayunpaman, karamihan sa mga nadisgrasya ang "walang accident factor" batay sa police blotter sa bilang na 37,242.
Hindi pa naman malinaw sa ngayon kung saang kalsada, kanto, atbp. eksakto pinakamadalas nangyayari ang mga naturang banggaan.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong halos bumalik na sa normal ang estado ng transportasyon sa Pilipinas matapos makapasok ang COVID-19. — James Relativo