Lokal na produksyon kaysa importasyon panawagan vs mahal na bigas

Retail store attendant arrange sacks of rice at storage in Marikina city (September 21, 2022).
STAR/Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang grupo ng mga magsasaka sa pamahalaan na palakasin ang lokal na produksyon ng bigas upang tugunan ang pagtaas ng presyo nito.

Umabot na sa P52/kilo ang presyo ng local regular milled na bigas sa merkado, ayon sa pagmamatyag ng Department of Agriculture nitong Lunes. Papalo pa 'yan sa P65/kilo para sa "special" local rice.

Mas mahal pa ito kaysa imported na bigas na mabibili sa hanggang P46/kilo (well-milled) at hanggang P60/kilo (special).

“Kailangan ipaglaban ng mga Pilipino ang ating karapatan sa pagkain na nababalewala dahil sa mga taas-presyo,” sabi ni Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas kahapon. Mahirap aniya ito sa karaniwang Pinoy lalo na't sumasabay ito sa lingguhang price hikes.

Una nang inanusyo ng pamahalaan ang kanilang negosasyon sa Vietnam at India ukol sa importasyon ng bigas mula sa mga bansang ito sa pag-asang mapabababa nito ang mga presyo.

Pero imbis na makatulong, sinabi ng KMP na titindi pa nga ang krisis kung aasa sa importasyon ang bansa. Aniya, mas mainam na bigyang pokus ang pagiging "self-sufficient" ng bansa sa bigas.

“Mas bulnerable tayo sa krisis sa bigas kung ang awtomatikong galaw ng gobyerno ay palaging importasyon,” dagdag pa ni Ramos.

“Kaya ng mga magsasakang Pilipino na lumikha ng bigas at pagkain para sa mamamayan at abutin ang rice self-sufficiency o kasapatan sa bigas kung may sapat na suporta at subsidyo sa pagsasaka.”

Iminungkahi rin ng grupo na alisin ang Rice Liberalization Law, na nagpalala raw sa krisis ng bigas, at binanggit din na maisabatas dapat ang Rice Industry Development Act na makatutulong daw sa lokal na produksyon ng bigas.

Inidiin din ng grupo ang kanilang suporta sa "Apat na Dapat para sa Rice Self-Sufficiency" na panukala ng Bantay Bigas na nananawagan sa pagbibigay pokus sa produksyon ng pagkain, dagdag ayuda sa mga magsasaka, at pagsasabatas ng tunay na repormang agraryo (House Bill 1161) at Rice Industrya Development Act (HB 405). — intern Matthew Gabriel

Show comments