MANILA, Philippines — Hindi umano dapat iasa ng gobyerno sa ibang bansa ang kakainin ng mga Pilipino, ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee kasunod ng kahandaan ng Vietnam na magbenta sa Pilipinas ng bigas.
Sinabi ni Lee na, dapat na gumawa ng solusyon ang pamahalaan upang paramihin ang produksyon ng pagkain sa bansa upang hindi na kailangang mag-import.
Nabatid na sa Vietnam nanggagaling ang 90% ng imported na bigas ng Pilipinas.
Ang India naman, na pangunahing pinanggagalingan ng imported na bigas sa mundo, ay magpapatupad ng rice import ban dahil sa inaasahang pagbaba ng kanilang produksyon dulot ng hindi magandang panahon.
Nauna ng nagbabala ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) ng pagtaas ng presyo ng bigas ng hanggang P4 kada kilo hanggang sa Setyembre, kung kailan inaasahang magsisimula ang anihan.
Ang pagtaas umano sa presyo ay bunsod ng pagmahal ng bigas sa ibang bansa.