Pangulong Marcos kumpirmadong dadalo sa APEC Summit

Litrato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula sa Facebook page ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dadalo siya sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa darating na Nobyembre, na siyang ikatlong pagbisita niya sa Estados Unidos bilang presidente.

Sa courtesy call ng U.S-ASEAN Business Council sa Malacañang ngayong araw, ika-9 ng Agosto, inihayag ng pangulo ang kanyang intensyong dumalo nang personal sa APEC Summit na gaganapin sa San Fransisco, California ngayong taon.

“I look forward to joining fellow APEC leaders in California this year. This will be my third trip to the US since I assumed office,” saad niya sa courtesy call.

Ang APEC Summit ay isang pagpupulong na dinadaluhan ng iba’t ibang mga bansa sa Asia-Pacific region kung saan pangunahing pokus ang pagpapatibay ng mga ekonomiya ng mga bansang kalahok

Ang unang beses na bumisita ang pangulo sa US ay noong September 18 hanggang 24 noong nakaraang taon kung saan dumalo siya sa United Nations General Assembly. 

Maalalang napayagan siyang bumisita dito dahil sa "diplomatic immunity" bilang pangulo sa kabila ng 1995 contempt judgement ng US court kaugnay ng isang human rights class suit na isinampa laban sa kanya.

Naging pokus ng pangulo sa kanyang unang bisita ang pagpapalago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng paghihikayat ng mga investment mula sa ibang bansa.

Ang pangalawang pagbisita naman ng pangulo ay naganaap noong ika-30 ng Abril hanggang ika-4 ng Mayo, kung saan nakipagpulong siya kay US President Joe Biden.

Isa sa mga naging pokus ng kanyang pangalawang pagbisita ang pagpapatibay sa relasyon ng Pilipinas at US sa pamamagitan ng mga kasunduan sa iba’t ibang industriya.

Ito rin ang magiging pangalawang beses na dadalo ang pangulo sa APEC Summit matapos ang pagdalo niya sa pagpupulong na ito noong nakaraang taon sa Thailand. — intern Matthew Gabriel

Show comments