Buto sa septic tank sa Bilibid, sa manok ‘di sa tao
MANILA, Philippines — Hindi buto ng tao ang mga narekober sa septic tank sa New Bilibid Prison (NBP) kundi buto ng manok.
Ito ang sinabi ni Dr. Annalyne Dadiz ng National Bureau of Investigation (NBI) Medico-Legal Division kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights na nagsagawa ng public hearing sa NBP.
Sinabi ni Dadiz na base sa ginawa nilang forensic identification sa pamamagitan ng proseso ng elimination at comparison sa buto na nakuha sa septic tank, lumalabas na hindi ito buto ng tao, kundi buto ng hita ng manok.
Ikinagulat naman ni Sen. Francis Tolentino, chairman ng komite, ang rebelasyon ng NBI dahil lumalabas na malaki ang buto sa litrato.
Subalit iginiit ni Dadiz na ang litrato ng buto na ipinakita sa media ay naka-zoomed o nakalapit lang, subalit kung susubukan na ikumpara ang aktuwal at sukat nito ay lumabas na chicken leg bone lang ito.
Sa susunod na linggo ay maglalabas naman ang forensic experts ng University of the Philippines (UP) ng kanilang findings tungkol sa mga nakuhang buto sa septic tank sa NBP.
Ang imbestigasyon ay ginawa ng Senado matapos na ihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na ang putol-putol na katawan na natagpuan sa septic tank sa NBP ay katawan ng nawawalang preso na si Michael Cataroja simula pa noong Hulyo 15.
Subalit kinalaunan ay inamin ni Remulla na biktima siya ng fake news at nilinaw na ang natagpuang bangkay ay nasa lugar ng Sputnik Gang at hindi sa septic tank.
- Latest