MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa mahigit 1 milyong mga pamilyang Pilipino ang mabibigyang benepisyo matapos na ganap nang maisabatas ang Estate Tax Amnesty Extension Act.
Sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairman Albay Rep. Joey Salceda, pangunahing may-akda at isponsor ng isinabatas na Republic Act No. 11956 (Estate Tax Amnesty Extension Act, ang nasabing panukalang batas ay magpapalawig sa Estate Tax Amnesty period mula Hunyo 2025 at sa period ng pagkamatay na nasasaklaw sa Mayo 2022. Alinsunod sa panukalang batas ay papayagan ang electronic filing sa aplikasyon sa estate tax amnesty at limitado rin ang bilang ng mga dokumento na kailangan sa paghahain nito.
Inihayag ni Salceda na pinaiikli nito ang period sa pag-iisyu ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 30 araw mula 60 araw at ang aplikasyon ay maari ring ihain sa website.
“It has many improvements compared to the previous Estate Tax Amnesty, especially as it makes the administrative requirements for filing much easier to comply with,” ayon kay Salceda.
Nabatid na dalawang pro-taxpayer laws na ang pinagtibay ngayong taon na kinabibilangan ng Ease of Paying Taxes Law at Taxpayer Bill of Rights.