Food Stamp Program, paiigtingin ng DSWD
Dahil maraming Pinoy ang nakaranas ng gutom
MANILA, Philippines — Paiigtingin pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Food Stamp Program upang maibsan ang bilang ng mga Pinoy na nagugutom sa bansa.
Ang hakbang ay bilang reaksyon sa SWS survey na nagsasabing maraming Pinoy ang dumaranas ng gutom nitong second quarter ng 2023.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang naturang programa ay layong paglaanan ng food augmentation ang may isang milyong pamilya mula sa Listahanan 3 na nasa food poor criteria ng Philippine Statistics Authority (PSA).
“The pilot implementation from July to December of 2023 will initially cover 3,000 families. The target beneficiaries are those families whose income does not go beyond P8,000 a month,” sabi ni DSWD spokesman Rommel Lopez.
Anya, mayroong one million food-poor families ang inaasahang magbebenipisyo sa “Walang Gutom 2027 Food Stamp program” na flagship program ng DSWD para maglaho ang mga pamilyang magugutom dahil sa kahirapan.
Ang FSP ay isasagawa sa 5 pilot sites sa iba’t ibang geopolitical characteristics sa mga piling lungsod at munisipalidad sa NCR, Caraga Region at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang unang FSP ay nailunsad sa Binondo, Maynila kamakailan.
- Latest