MANILA, Philippines — Iginigiit ngayon ng isang grupo ng pesante ang production aid at price freeze sa batayang mga pangangailangan matapos manalasa ng sunud-sunod na Super Typhoon Egay, Typhoon Egay at Habagat.
Ngayong Huwebes lang nang iulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot na sa P1.91 bilyong halaga ang naitatalang production loss sa sektor ng agrikultura buhat ng bagyong "Egay," na siyang umapekto sa 142,623 mahigit na ektaryang lupain.
Related Stories
"Kasisimula pa lamang ng taniman pero lubog na sa baha ang mga palay at mais ng mga magsasaka habang dalawang linggo nang hindi makapalaot ang mga mangingisda," ani Amihan national chairperson Zenaida Soriano kanina.
"Kailangan ng kagyat at mabilisang tulong at suporta para makaagapay ang pamilyang magsasaka at mangingisda."
Bilang tugon, hinahamon ngayon ng grupo ng kababaihang magsasaka si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maglaan ang gobyerno ng P25,000 production aid at rehabilitasyon aid para sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.
Una nang nagbabala ang Department of Agriculture na posibleng pataasin ng nagdaang super typhoon ang presyo ng gulay sa merkado buhat ng pinsalang naitamo sa agrikultura.
Ang nabanggit ay nauna nang pinaaaksyunan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
"Tiyak na susundan ito ng higit pang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin kaya dapat maagap din ang pagpapatupad ng price freeze para sa mga kababayan nating sinalanta ng kalamidad," dagdag pa ni Soriano.
"The Marcos Jr. government should recognize the urgency of providing immediate production support as it will affect the supply and prices of basic food and other commodities. We are hoping for an active disaster response instead of passively using the calamity to justify importation of rice and other agricultural products."
"We urge the public to support relief and rehabilitation efforts for affected farmers and fishers. In times of crisis and calamities, it is necessary to unite and demand accountability and support from the government while fostering the spirit of bayanihan among farmers and fishers."
Kasalukuyang nagpapatupad lang ng price freeze sa 196 lungsod at munisipalidad na nasa ilalim ng state of calamity. Ito'y kahit na 12 rehiyon mula Luzon hanggang Mindanao na ang apektado.
Ang lahat ng ito ay nangyayari habang hindi pa nakapaglalabas ang NDRRMC ng mga datos pagdating sa pinsalang iniwan ng bagyong "Falcon" at habang iniimbestigahan pa ang ilang opisyales ng DA kaugnay ng Kadiwa stores na nagbebenta ng mas murang mga ani. — James Relativo