154 lugar nasa state of calamity; 27 na nasawi

Residents transport a motorcycle on a boat to avoid floodwaters left by torrential rains of Typhoon Doksuri in Calumpit, Bulacan province on July 29, 2023.
AFP / Earvin Perias

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 154 lugar sa anim na rehiyon sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity matapos ang pananalasa ng bagyong Egay at hanging Habagat.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa state of calamity ang ilang mga siyudad at lalawigan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Cordillera Administrative Region.

Ang mga lugar na ito ay lubhang pinadapa ng bagyong Egay at nakaranas ng matinding pagbaha kung saan maraming inidibidwal ang naapektuhan hanggang ngayon.

Dahil nasa state of calamity, magagamit na ng mga Local Government Unit (LGU) at provincial government ang kanilang calamity funds sa layuning tulungan ang mga apektadong indibidwal.

Samantala, umabot na sa 27 katao ang naiulat na namatay dahil kay ‘Egay’ habang 13 ang nawawala at 52 sugatan.

Nasa mahigit 2.8 milyong indibidwal naman o 765,000 pamilya mula sa 4,646 barangay ang naapektuhan. Nabatid na 289,713 indibiduwal ang inilikas habang 677 ang nasa evacuation centers.

Kasabay nito, mayroong 495 infrastructure na nagkakahalaga ng P3,529,972,255 ang nasira habang pumalo sa P1,983,419,530 ang danyos sa agricultural sector at P173,808,773 sa livestock, poultry, at ­fisheries.

 

 

Show comments