MANILA, Philippines — Muling iginiit ng Department of Health (DOH) sa publiko ang palagiang pagsusuot ng face mask sa mga matataong lugar makaraang matuklasan ang pagdating ng bagong EG.5 Omicron subvariant sa bansa.
“The Department of Health (DOH) strongly recommends the public to continue adhering to our layers of protection such as wearing face masks, isolating when sick, and ensuring good airflow,” saad ng DOH sa kanilang advisory nitong Agosto 1.
Noong Hulyo 27, naitala ang unang 10 kaso ng EG.5 subvariant mula sa genome sequencing ng Hulyo 14-25.
Ang EG.5 subvariant ay isang sublineage ng XBB.1.9.2 na naisama sa variants under monitoring ng World Health Organization (WHO) makaraang matukoy sa 49 na bansa.
Pero base sa mga datos, hindi rin naman ito nagpapakita ng pagkakaiba ng antas ng severity o ‘clinical manifestation’ kumpara sa orihinal na Omicron variant. Patuloy naman na inaaral ng mga mananaliksik ang antas ng paghawa, lubha ng sakit at pag-iwas sa immune system ng EG.5.
Patuloy naman na hinihikayat ng DOH ang publiko na magpabakuna at magpa-booster para manatiling protektado laban sa COVID-19.