Presyo ng bigas, gulay tumaas dahil sa bagyo
MANILA, Philippines — Nagkaroon ng pagtaas sa mga presyo ng mga bilihin laluna ng bigas at gulay sa mga pamilihan sa bansa.
Ito ang iniulat ni Department of Agriculture (DA) spokesman Rex Estoperez batay sa ginawang price monitoring ng ahensiya sa ibat ibang pamilihan sa panahon na may kalamidad.
Ayon kay Estoperez, may pagtaas na P1.50 hanggang P2 kada kilo sa presyo ng bigas at gayundin ng mga panindang gulay.
Hinikayat naman ng DA ang mga negosyante na huwag samantalahin ang sitwasyon laluna ngayong may kalamidad ay nagtataas ng sobra ang presyo ng mga paninda.
“Ang iba naman, tubo siyempre ang objective. Pakiusap lang naman namin sana sa kanila, kung ano lang nararapat na presyo ‘yun lang sana,” sabi ni Estoperez.
Gayunman, sinabi ni Estoperez na magagawa ng National Food Authority (NFA) na ma-stabilize ang presyo ng bigas kung may sapat na suplay pero sa ngayon ang NFA inventory ay nananatiling mababa dulot ng pagkabigo na mabili ang bigas ng mga magsasaka dahil sa mababang presyo ang alok ng gobyerno.
Samantala, may P2 bilyong halaga na ng agrikultura ang winasak ng bagyong Egay at nasa 123,000 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng naturang bagyo.
Ayon sa DA, ang mga nasirang pananim ng bagyo ay palay, mais, high value crops, livestock at poultry, at fisheries gayundin ang ilang farm at fishery infrastructures, at fishing paraphernalia.
- Latest