MANILA, Philippines — Inadopt na ng Senado ang resolusyon na kumokondena sa China laban sa patuloy na pangha-harass ng mga Chinese Coast Guard at militia vessels sa mga mangingisdang Pilipino at panghihimasok sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Sa sesyon sa plenaryo ay mabilis na inaprubahan ng mga senador ang Senate Resolution 718 na unang isinulong nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Risa Hontiveros.
Wala na ring nag-interpellate sa resolusyon dahilan kaya agad na inadopt ito sa plenaryo.
Bukod sa pagpapahayag ng pagkondena ng Senado sa patuloy na pambu-bully ng China sa Pilipinas, nakasaad din sa resolusyon ang paghimok sa gobyerno ng Pilipinas na ilaban ang karapatan sa soberenya ng bansa sa ating exclusive economic zone at continental shelf.
Nananawagan din ang mga senador sa China na itigil na ang kanilang mga iligal na aktibidad sa ating teritoryo salig na rin sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 pabor sa Pilipinas at nagbabasura sa nine-dash line ng China.
Nakapaloob din sa resolusyon ang paghikayat ng Senado sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magpasa ng resolusyon sa UN General Assembly (UNGA) para sitahin ang China at upang matigil na ang pangha-harass at panghihimasok nito sa ating bansa.