Online classes sa panahon ng kalamidad, ‘di mandatory - DepEd
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Department of Education (DepEd) na ang pagdaraos ng online classes sa panahon ng kalamidad ay hindi mandatory.
Ito’y matapos kondenahin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pahayag ni DepEd Spokesman Michael Poa sa isang post-SONA forum na tanging in person classes lamang ang suspendido sa panahon ng kalamidad, upang matiyak ang patuloy na pagkatuto ng mga ito.
Ayon naman sa ACT, ‘unjust at insensitive’ ang naturang aksiyon para sa mga estudyante at maging sa mga guro.
Kinuwestiyon ni ACT Chairperson Vladimer Quetua kung paano makapagdaraos ng online classes ang mga guro at mga estudyante kung masama ang panahon at binabaha sa kanilang mga lugar.
Sa kanyang panig, nilinaw naman ni Poa na hindi naman ang ibig sabihin ng kanyang pahayag na kahit bumabaha na ay pinag-aaral pa rin ang mga bata.
“Siyempre po ang priority natin ay ang kaligtasan nila (estudyante at mga guro). Sa ganoong mga pagkakataon na hindi naman malakas ang ulan pero nagsuspinde tayo ng in person classes, learning will continue through alternative delivery modes,” paliwanag ni Poa.
Sinabi naman ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na naniniwala siyang ang pahayag ni Poa ay hindi nangangahulugang mag-shift sa online classes kapag may sama ng panahon.
“We should not take it as literal as kapag may calamity ay magkaklase pa rin. Of course, ang natural order niyan, is uunahin mo ang sarili mo and your survival, and when things are okay, that is the time that you conduct or the learners will take a look at their modules,” wika ni Bringas.
Sa ilalim ng DepEd Order 37, otomatikong suspendido ang in-person at online classes mula sa kindergarten hanggang Grade 12, gayundin ang trabaho sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng lugar sa panahon ng anumang public storm signal.
- Latest