MANILA, Philippines — Naniniwala si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity of the Philippines, Carlito Galvez Jr., na malaking pagbabago sa mga buhay ng dating rebelde ang alok na amnestiya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa pulong balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict, sinabi ni Galvez mapapabilis ng ‘amnesty’ ang transpormasyon mula sa pagiging dating rebelde tungo sa muling bahagi ng tamang lipunan ang mga magpapasakop sa amnestiyang alok ni PBBM.
Ani Galvez, na hepe rin ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) inaayos na ng National Amnesty Commission (NAC) ang mga bagay na sasaklaw sa pagpapatupad ng amnesty program para sa mga kwalipikadong grupo ng mga rebelde katulad ng mga sesesyunistang Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front at maging ng CPP-NPA-NDF.
“Nakikita nila (former rebels) ang sincerity ng goverment, offering civil protection while their offenses will also be extinguished (through this amnesty),” ani Galvez.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres na ang amnesty ang magiging behikulo ng bansa tungo sa daan ng tagumpay na tapusin na ang rebelyon sa bansa.
Umaasa si Torres na sa tinatayang 1,865 natitirang mga CPP-NPA-NDF, magpapasakop na lamang ang mga ito sa amnestiya, dahil wala na ring tumatayong lider ng mga komunistang-terorista.