MANILA, Philippines — Pormal nang na-designate bilang "terorista" ng Anti-Terrorism Council ang suspendidong si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. — diumano'y utak sa pagpatay kay dating Gov. Roel Degamo — kasama ang kanyang mga kasapakat.
Batay ito sa Resolution 43 (2023) na nilagdaan ni ATC chairperson na si retired Chief Justice Lucas Bersamin noong ika-26 ng Hulyo, bagay na kamakailan lang isinapubliko.
Related Stories
Binibigyan nito ang gobyerno ng kapangyarihang i-"freeze" ang ang anumang pondo at ari-arian ng mga nabanggit kaugnay ng Republic Act 11479 at R.A. 10168.
"NOW, THEREFORE, the Council, by virtue of the powers vested on the ATC pursuant to Section 45 of the ATA and after finding probable cause for violations of Sections 4,6,10, and 12 of the ATA, hereby designates the 'Teves Terrorist Group" as a terrorist group of persons, organization or association," wika ng ATC.
Kikilalanin na tuloy bilang bahagi ng "Teves Terrorist Group" ang sumusunod:
- Rep. Anolfo "Arnie" Teves Jr.
- Pryde Henry Teves
- Rogelio Antipolo
- Rommel Pattaguan
- Winrich Isturis
- John Louie Gonyon
- Dahniel Lora
- Eulogio Gonyon
- Tomasino Aledro
- Nigel Electona
- Jomarie Catubay
- Hannah Mae Sumero Oray
Designation pa lang at probable cause ang naibababa kaugnay nito. Dahil dito, hindi pa nangangahulugang "guilty" ang mga nabanggit sa anung kaso.
Wika ng ATC, napag-alaman daw ng imbestigasyon ng law enforcement agencies na may "organizational structure" na may mahigpit na command and control mechanism ang grupo, kung saan si Teves Jr. daw ang pinuno.
Tinukoy naman si Pryde Henry, na nakaalitan noon ni Degamo para sa posisyon ng pagkagobernador, at Electona na nagbibigay daw ng materyal na tulong sa grupo.
"Investigation also reveals that Hannah Mae Sumero Oray handles the operational funds for the killings while Marvin H. Miranda acts as organizer and recruiter of personnel for specific terrorist attacks," paliwanag pa ng ATC.
Marso lang nang maaresto ang ilan sa compound ni Pryde Henry dahil diumano sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Degamo assasination
Ika-4 ng Marso ngayong taon nang i-assasinate si Degamo sa kanyang bahay sa Negros Oriental habang inaasikaso ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, bagay na ikinamatay din nang marami.
Hinainan ng reklamong multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder si Arnolfo kaugnay nito.
Una nang sinabi ni Teves Jr. na may dalawang "high ranking" officials na nais siyang ipapatay, dahilan kung bakit hindi raw siya makauwi ng Pilipinas para sagutin ang mga bintang laban sa kanya.
Nakiiusap na noon si Pryde Henry sa kapatid niyang si Arnolfo na umuwi sa Pilipinas upang harapin ang mga reklamo.
Suspendido pa rin sa kanyang pwesto si Teves Jr. dahil sa kanyang "disorderly behavior" kaugnay ng "unauthorized absences" habang nasa ibang bansa.
Nananatili bilang "caretaker" ng ikatlong legislative distrito ng Negros Oriental si House Speaker Martin Romualdez habang suspendido si Teves.