MANILA, Philippines — Maglulunsad ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng isang voter’s education module bilang bahagi ng mandato nitong gabayan ang mga tao sa pagboto sa panahon ng eleksyon.
Sa darating na Agosto 5 ang nakatakdang paglulunsad ng module sa Pope Pius the 12th Catholic Center sa Maynila. Ayon kay PPCRV national coordinator, Dr. Arwin Serrano, nais ng PPCRV na maging matalino ang mga botante sa kanilang partisipasyon at ipaalam sa mga volunteer na ito ang hakbang na ginagawa nila para sa electoral exercises sa bansa hindi lamang sa darating na barangay elections kundi maging sa 2025 midterm elections at 2028 National and Local Elections.
Inaasahan ang pagdalo ng mga volunteer sa paglulunsad ng anim na module at susundan ito ng serye ng training sa Setyembre. Layunin ng pagsasanay na maipalaganap ng mga boluntaryo ang kaalaman at kasanayan na dapat taglayin ng bawat isa sa pagsubaybay sa proseso ng halalan sa bansa. Layunin din sa pagbuo ng voter’s education module na mahubog ang mga kabataan na maging makabayan at mulat sa kahalagahan ng demokrasya at halalan sa bansa.