Presyo ng bigas sisirit – Pangulong Marcos
Dahil sa pinsala ni ‘Egay’ sa agrikultura
MANILA, Philippines — Kinakabahan na umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa posibleng pagtaas sa presyo ng bigas matapos mapaulat ang damage sa agrikultura dulot ng bagyong Egay.
Sa situation briefing sa mga lokal na opisyal ng Tuguegarao, sinabi ng Pangulo na nag-aalala siya sa supply ng lokal na bigas kaya kailangang palakasin ang stocks para masiguro na handa ang Pilipinas sa epekto ng El Niño sa agrikultura kaya hihingi sila ng supply deal sa India.
Bilang paghahanda sa epekto ng El Niño at ng super typhoon Egay sa lokal na ani, kaya magsisimula na ang Pilipinas na umangkat ng bigas.
Paliwanag pa ng Pangulo na iniisip niya ang national supply ng bigas dahil inimport ito lahat ng Indonesia at nagsara ang Vietnam gayundin ang India, subalit sa tingin umano niya ay maaari siyang makipag-deal sa India baka mayroong mapakiusapan dito.
Subalit sa ngayon ay dapat na magsimulang mag-import dahil lahat ngayon ay naghahanda na para sa El Niño, lahat ng Southeast Asia ay sabay-sabay nagbibilihan.
Dahil dito kaya kinakabahan na umano si Marcos dahil sa posibleng pagtaas sa presyo ng bigas kahit pa mag-import tayo.
Sa pinakahuling datos ng National Disaster Coordinating Council o NDRRMC, nasa higit P1 bilyon na ang pinsala ng bagyong Egay sa agrikultura.
Samantala sinabi naman ni Cagayan Gov. Manuel Mamba sa naturang situation briefing na ang damage sa agrikultura dulot ng bagyo sa kanilang lalawigan ay umabot na sa P539 milyon.
Sa naturang halaga, P327 milyon ang halaga ng corn production, P123 milyon sa high value crops, P41 milyon sa bigas, P47 milyon sa fisheries, P1.05 sa livestock.
Habang ang damage naman sa imprastraktura sa Cagayan ay P862.3 milyon.
Inabisuhan naman ni Marcos ang mga lokal na pamahalaan na magsumite ng detalyadong reports tungkol sa agriculture damage at sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Maari rin umanong magbigay ang Department of Agriculture (DA) ng palay, corn at high-value crops seedlings sa mga magsasaka bilang suporta sa kanila.
- Latest