Army Reservists umayuda sa mga binaha ni Egay

MANILA, Philippines — Minobilisa na rin ng Philippine Army ang mga re­servists nito para tumulong sa isinasagawang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) sa mga lugar na matinding sinalanta ng super typhoon Egay at habagat sa Northern Luzon.

Bagaman lumisan na si Egay ay patuloy pa rin ang mga pag-ulan dulot ng monsoon rain o habagat, gayundin sa pagpasok ng bagyong Falcon sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, Spokesman ng Philippine Army, ang 1st Regional Community Defense Group ay nagsasagawa ng search, rescue and retrieval operation para sa tatlong casualties at isang missing na tao sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Samantala ang 2nd Regional Community Defense Group ay nagkaloob naman ng manpower assistance sa pagbibiyahe at pamamahagi ng relief goods sa mga lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Trinidad, ang HADR mission ay nakipagkooperasyon sa Provincial and Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices, the Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at mga Rural Health Unit sa bawat mga munisipalidad.

Pinapurihan naman ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang Regional Community Defense Groups sa pursigidong HADR missions sa lahat ng mga pamilya na apektado ng mga pagbaha at landslides sa Ilocos Sur at Cagayan.

Show comments