MANILA, Philippines — Umaabot na sa 8 lugar ang isinailalim sa state of calamity matapos na madagdag sa talaan ang San Simon, Pampanga dahil sa matinding pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan at pag-apaw ng Pampanga River.
Sa report na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD), 14 Barangay sa nasabing bayan ay lubog sa baha.
Ang nararanasang pagbaha ay dulot ng matinding epekto ng super typhoon Egay, southwest monsoon rain o habagat. Bagaman lumisan na sa bansa ang bagyong Egay ay papasok naman ang bagyong Falcon na nagdudulot ngayon ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.
Nitong Biyernes ay isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Abra at Mountain Province na matindi ring naapektuhan ni super typhoon Egay.
Una nang inilagay sa state of calamity ang lalawigan ng Cagayan, Ilocos Norte, Dagupan City, Ilocos Sur at Cavite.
Sa San Simon, Pampanga umaabot sa 18,000 residente ang apektado ng pagbaha kabilang ang mga inilikas sa evacuation centers.
Naitala naman nasa P37 milyon ang pinsala sa agrikultura na inaasahang tataas pa habang patuloy ang mga pagbaha.
Sa kabuuan, umaabot sa 153 barangay ang lubog sa baha sa buong lalawigan ng Pampanga. Ilang lugar din dito ang hindi madaanan dahil sa mataas na tubig baha gaya ng Ipil-Ipil Cambasi Road patungong Sta. Cruz Road sa Masantol; CDCP Sta Monica papuntang North Luzon Expressway (NLEX), Sumpung Bridge sa Sto. Tomas at iba pa.
Patuloy naman ang monitoring ng OCD sa mga apektadong lugar lalo na at pumasok na sa PAR (Philippine Area of Responsibility) ang bagyong Falcon.