MANILA, Philippines — Overloaded umano ng pasahero ang tumaob na bangka sa Binangonan, Rizal nitong Huwebes, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, may kapasidad na 42 pasahero ang “Aye Express” ngunit lumalabas na lagpas sa 60 ang sakay nito nang lumubog.
Sinibak na sa kanilang puwesto ang dalawang tauhan ng PCG na nakatalaga sa Binangonan, Rizal habang iniimbestigahan ang posible nilang kapabayaan sa pagpapalayag sa tumaob na bangka.
Hindi muna tinukoy ni PCG Commandant Artemio Abu ang dalawang tauhan na isinasailalim ngayon sa imbestigasyon. Hindi rin matukoy sa ngayon ang tiyak na pagkukulang nila na siyang aalamin ng mga imbestigador.
Samantala, hawak na ng lokal na pulisya ng Binangonan ang boat captain ng bangka na lumubog sa bahagi ng Laguna de Bay sa Binangonan, Rizal.
Bunsod ito ng paghahanda sa pagsasampa ng mga kinauukulang kaso laban sa 40-anyos na si Donald Anain, ang boat captain ng Aya Express.
Una nang inanunsiyo ni Coast Guard Admiral Armand Balilo na bukod sa kanilang mga tauhan sa kanilang Binangonan Station, kasama rin sa kanilang iimbestigahan si Anain.
Una nang nabatid buhat sa kapitan ng barko na sadyang pinasobrahan nila ang kapasidad ng barko habang 22 lamang ang nakatala sa kanilang manipesto.
Sa kabila nito, pinayagang makapaglayag ang barko, habang wala ring suot na life vest ang mga pasahero.
“Tuloy ang investigation na ginagawa natin sa Talim Island at makakaasa tayo na hindi natin ito-tolerate kung may pagkakamali po ang personnel ng Philippine Coast Guard,” ayon naman kay PCG spokesperson Armand Balilo.
Ito ay makaraan na i-terminate na ng PCG ang search and retrieval operation nang makakuha ng 26 bangkay habang 40 ang nailigtas.
Itinuro niya na responsibilidad na ng lokal na pamahalaan ng Binangonan ang pagdetermina sa ‘seaworthiness’ ng bangka at hindi sa PCG.
Kasabay nito, sinuspinde na rin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang safety certificate ng motorbanca Aya Express at magkakasa rin ng sariling maritime safety investigation.