MANILA, Philippines — Matapos ang pagdaan ng bagyong ‘Egay’ sa bansa, ipinag-utos ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na maghanda ang lahat ng port management offices (PMO) na nasa ilalim ng PPA para sa isa na namang paparating na bagyo.
Nasiyahan naman si Santiago sa pagbisita nito sa NorthPort Passenger Terminal sa North Harbor, Port of Manila.
“Ginagawa po talaga ng PPA ang pre and post typhoon inspection para masigurado na maayos ang mga pasilidad at malaman kung may kailangan bang ayusin para sa susunod na sama ng panahon. Sa ngayon naman po maganda ang assessment natin dahil maaga tayong nakapaghanda.” ayon kay Santiago sa isang panayam.
Ayon naman kay NCR-North Port Manager Aurora Mendoza, malinis na rin umano ang waiting area at wala na rin umanong stranded na pasahero.
“Yung cr po, malinis naman pero papaputiiin pa natin dahil ito talaga po yung gamit na gamit nung ilang araw ring na-stranded ang ating mga pasahero dito. Malinis na po ulit ngayon ang waiting area at saka po ang departure area natin at wala na pong stranded,”
Samantala, bukod sa libreng charging station, may alok din ang PPA na libreng water refilling stations at hot meals para sa mga pasahero. Ang PPA rin ay mayroong libreng film showing para sa mga na-stranded na pasahero.