MANILA, Philippines — Nag-iwan ng lagpas isang dosenang patay ang nagdaang Super Typhoon Egay, ito habang milyun-milyun na ang pinsalang tinamo nito sa imprastruktura at agrikultura.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Biyernes, 502,782 na ang nasalanta ng bagyo kabilang ang sumusunod:
Related Stories
- Patay: 13
- Sugatan: 12
- Nawawala: 20
- Lumikas: 42,831
- Nasa loob ng evacuation centers: 29,223
- Nasa labas ng evacuation centers: 13,608
Sinasabing nagmula sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, at Western Visayas ang mga nasawi. Ang pito rito sinasabing bineberipika pa.
Sa kabila nito, wala pa sa datos ng NDRRMC ang naiulat nang halos 30 na namatay sa pagtaob ng isang bangka sa Binangonan, Rizal nitong Huwebes.
Kalakhan ng mga naapektuhan ng bagyo at pinalakas nitong Habagat ay nagmula sa Central Luzon, Western Visayas, Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR.
Milyun-milyong pinsala
Umabot naman na sa P656,329,100 ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura sa ngayon kaugnay ng bagyo habang P58,362,028.53 naman ito sa sektor ng agrikultura.
Bukod pa ito sa 2,002 kabahayang napinsala: ang ilan dito partial damage (1,848) habang wasak na wasak (154) naman ang iba.
Una nang nagtaas ng state of calamity sa Ilocos provinces, Cavite, Sanchez Mira sa Cagayan at Sablayan sa Occidental Mindoro. Dahil dito, kinakailangang magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga naturang lugar.
Nakapagsimula naman nang makapag-abot ng P18.25 milyong halaga ng ayuda sa mga nasalanta sa porma ng family food packs, tulong pinansyal, hygiene kits atbp.