MANILA, Philippines — Tinatayang makapapasok ng Philippine area of responsibility ang Tropical Storm "Khanun" (international name) sa Sabado, bagay na tatawaging bagyong "Falcon" kung sakali.
Namataan ang Tropical Storm 1,300 kilometro silangan ng Eastern Visayas, ayon sa pinakahuling taya ng PAGASA sa isang 5 a.m. weather forecast ngayong Biyernes.
- Lakas ng hangin: 65 kilometro kada oras malapit sa gitna
- Bugso ng hangin: hanggang 80 kilometro kada oras
- Direksyon: pakanluran timogkanluran
- Pagkilos: 10 kilometro kada oras
"Posible itong makapasok sa ating Philippine area of responsibility pagsapit ng bukas ng gabi or sa madaling araw ng Linggo," wika ni DOST-PAGASA weather specialist Daniel James Villamil.
"Patuloy pong lalakas sa mga susunod na araw at papasok ito bilang typhoon category sa ating [PAR] bukas ng gabi hanggang sa Sunday ng madaling araw," wika niya.
Dahil sa kalayuan nito sa kalupaan ng Pilipinas, wala pa namang nakikitang direktang epekto sa ngayon sa anumang bahagi ng bansa ang naturang bagyo.
Wika pa ng state weather bureau, nananatiling maliit ang tiyansang magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa anumang bahagi ng PIlipinas sa mga susunod na araw dahil sa layo pa nito.
Gayunpaman, posibleng hatakin ng bagyo ang Hanging Habagat sa susunod na tatlo hanggang limang araw habang binabaybay ang northern portion ng PAR na maaaring magpaulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Nangyayari ang lahat ng ito habang kalalayo lang ng bansa ang bagyong "Egay," na siyang nag-iwan nang ilang patay, sugatan at nawawala.