MANILA, Philippines — Binalaan ng mga mambabatas si Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang na iisyuhan ng warrant kapag muling inisnab ang pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y iregularidad sa procument ng kanilang munisipalidad noong 2007.
Si Surigao del Norte 2nd District Rep. Johnny Pimentel, Assistant Minority Leader ng Commission on Appointments ay nagmosyon para isyuhan ng subpoena si Tumang matapos itong mabigong dumalo sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, na kinatigan naman ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano, Chairman ng komite.
Sa kanyang interpellation, dismayado si Pimentel sa pagkawala ng alkalde sa pagdinig na inimbitahan bilang resource person sa mga katanungan tungkol sa pagpirma nito sa P149 milyong transaksyon.
Sinabi pa ni Pimentel sa abogado ni Tumang ang mga posibilidad na kakaharapin ng kanyang kliyente sa hindi pagdalo sa pagdinig ay kanila itong ipapa-contempt at maaring mauwi sa paglalabas ng warrant of arrest.
Nag-ugat ang pagdinig sa complaints-slash-affidavits ni Ernesto Punzalan sa umano’y anomalya sa proseso ng procurement at contracts sa munisipalidad ng Mexico mula 2007 hanggang kalagitnaan ng 2010 at maging ang bank loan agreement na nagkakahalaga ng P950 million.
Nagsagawa ang Commission on Audit (CoA) ng special audit na naging daan sa Fraud Audit Investigation Office Report sa umano’y irregular projects at paggastos na umabot sa P149,133,819.18.