Panibagong bagyo nagbabadya sa paglabas ni 'Egay' ng PAR, tatawaging 'Falcon'

"Ngayon may isa na naman tayong binabantayan na bagyo na nasa labas ng ating [PAR]. Ang tropical depression na ito, nasa layong 1,585 kilometers pa silangan ng Eastern Visayas," ani DOST-PAGASA Asst. weather services chief Chris Perez, Huwebes.
RAMMB

MANILA, Philippines — Nakalabas na ng Philippine area of responsibility ang Typhoon Egay ngunit isa na namang bagyo ang posibleng lumapit sa bansa — bagay na tatawaging "Falcon" pagpasok ng PAR.

"Ngayon may isa na naman tayong binabantayan na bagyo na nasa labas ng ating [PAR]. Ang tropical depression na ito, nasa layong 1,585 kilometers pa silangan ng Eastern Visayas," ani DOST-PAGASA Asst. weather services chief Chris Perez, Huwebes.

"Wala pa itong direktang epekto sa anumang bahagi ng ating bansa pero pansinin natin ang malawak na kaulapan nito. Naka-extend sa eastern seaboard ng Mindanao."

Posible itong pumasok sa PAR sa pagitan ng Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga. Sa kabila nito, hindi pa nakikitang lalapit ito sa kalupaan ng Pilipinas.

Bandang 11 a.m. nang iulat na nasa labas na ng PAR ang bagyong "Egay," bagay na namataan 255 kilometro kanluran ng Itbayat, Batanes ngayong araw.

Bagama't nasa labas na ng PAR ang bagyong "Egay," nananatiling nakataas ang ilang Tropical Cyclone Wind Signals sa Pilipinas.

Signal No. 2

  • Batanes
  • hilagangkanlurang bahagi ng Cagayan (Claveria, Santa Praxedes) kasama ang Babuyan Islands
  • hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Adams, Bangui, Dumalneg, Burgos)

Inaasahan ng PAGASA ang "minor to moderate" na banta sa buhay at ari-arian dulot ng gale-force winds.

Signal No. 1

  • Pangasinan
  • La Union
  • Ilocos Sur
  • nalalabing bahagi ng Ilocos Norte
  • nalalabing bahagi ng Cagayan
  • Apayao
  • Kalinga
  • Mountain Province
  • Ifugao
  • Abra
  • Benguet
  • Isabela
  • Quirino
  • Nueva Vizcaya
  • hilagang bahagi ng Aurora (Casiguran, Dinalungan, Dilasag)
  • hilagang bahagi ng Nueva Ecija (Cuyapo, Guimba, Pantabangan, Science City of Muñoz, Carranglan, San Jose City, Lupao, Nampicuan, Talugtug)
  • hilagang bahagi ng Tarlac (Paniqui, Moncada, Pura, Camiling, Ramos, San Manuel, Anao, San Clemente)

Posible naman ang "minimal to minor threat" sa buhay at ari-arian sa mga sumusunod na lugar buhat ng malalakas na hangin.

Tinatayang aabot sa 50-100 millimeter na naipon na pag-ulan sa  Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Batanes, at Babuyan Islands ngayong araw.

"The southwest monsoon enhanced by Egay will continue to bring occasional to monsoon rains over the western portions of Central Luzon and Southern Luzon in the next three days," wika pa ng PAGASA.

Show comments