Vice President Sara, Senator. Imee agaw-pansin sa tribal outfit sa SONA
MANILA, Philippines — Kapwa naging agaw-pansin sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tribal wear nina Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos.
Maguindanaoan dress ang kasuotan ni VP Sara, ito ay isang Bangala na tinernohan ng trouser at inaul o malong.
Ang Moro tribe outfit ay dinisensyo ni Cotabato City-based designer Israel Ellah Ungkakay.
Ang Bangala ay tiniternuhan ng gold accessories bilang simbolo ng kayamanan ng Mindanao pagdating sa natural resources.
Ang pagsusuot ng Moro tribe outfit ni VP Sara ay bilang pagbibigay-pugay sa Moro Tribe na naninirahan sa South Central Mindanao.
Naging kapansin pansin din ang kakaibang outfit ni Senador Marcos na isang traditional Cordillera wear.
Ayon kay Marcos, ang kanyang kasuotan ang siyang tunay na “Filipiniana”.
Tinernohan ni Marcos ang kanyang outfit ng henna tattoo na ang disensyo ay araw at buwan.
Ang nasabing outfit ay regalo umano sa kanya ng mga Igorot nang bumisita ito sa lugar.
Sa kabuuan ay naging simple at karamihan ay floral design ang naging kasuotan ng mga kababaihan sa naging SONA ng Pangulo, malayo ito sa dating formal attire sa mga nakalipas na SONA.
- Latest