DILG sa local executives: Paghandaan si Egay
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga local chief executives (LCEs) na masusing i-monitor ang mga kaganapan sa mga lugar na tinatahak ng bagyong Egay at kaagad na magpatupad ng disaster preparedness protocols upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga residente.
Inatasan din ni Abalos ang mga gobernador, mga alkalde at iba pang LCEs na tiyaking sila ay present at nasa kanilang mga puwesto “bago, habang at pagkatapos” ng bagyo at ipatupad ang “Operation L!STO” disaster protocols ng DILG.
Mahalagang nasa kani-kanilang puwesto ang mga opisyal ng mga local officials, partikular na ang mga gobernador at mga alkalde, dahil ang kanilang kapangyarihan ay ‘kritikal’ at kinakailangan upang maayos na maipatupad ang nasabing protocols.
Sa ilalim ng Operation L!STO, kabilang sa mga responsibilidad ng mga LCEs ay ang pag-convene sa mga local disaster councils sa loob ng 24-oras upang makuha ang pinakabagong severe weather bulletin.
Kinakailangan ding rebyuhin ng mga ito ang local disaster contingency plans at hazard risk maps, bumuo ng mga grupo na magsasagawa ng search-and-rescue, search-and-retrieval, security, at clearing operations.
Binigyang-diin pa ni Abalos ang kahalagahan ng paghahanda ng mga evacuation centers sakaling kailanganin ang pagsasagawa ng pre-emptive at forced evacuation, partikular na sa mga bahaing lugar, gayundin ang mga landslide-prone areas.
Responsibilidad ng mga gobernador at mga alkalde na payuhan ang mga residente na umiwas sa mga mapanganib na lugar, mag-isyu ng prohibisyon o pagbabawal sa pagbiyahe, pangingisda at pagsu-swimming sa karagatan at pagpapakalat ng mga public warnings, sa pamamagitan ng mga warning systems at weather bulletins.
- Latest