MANILA, Philippines — Isang 13-taong gulang na dalagita mula sa Quezon City ang posibleng maging unang Filipina na Santa makaraang aprubahan ng mga obispo ng Diocese of Kalibo ang aplikasyon nito sa Roma.
Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), pumanaw si Niña Ruiz-Abad noong 1993, ngunit nakapagpakita na siya ng matinding debosyon sa Eukaristiya. Ginugol ng dalagita ang kaniyang buhay sa pamamahagi ng mga rosaryo, Bibliya, prayer books, mga banal na imahe at iba pang gamit na relihiyoso.
Dahil sa pagsang-ayon ng mga obispo, mag-uumpisa na ang pormal na imbestigasyon sa naging buhay ni Ruiz-Abad. Una dito ang pagkalap ng mga impormasyon sa kaniyang pagkatao at panayam sa mga taong naging saksi ng kaniyang buhay.
Ipinanganak sa Quezon City si Ruiz-Abad ngunit lumipat sila ng Sarrat, Ilocos Norte noong 1988. Muli siyang nakabalik ng QC noong 1993 dahil sa trabaho ng kaniyang ina.
Noong Agosto 16, 1993, inatake sa puso ang dalagita dahilan ng kaniyang pagpanaw. Nakahimlay ang kaniyang labi sa isang pampublikong sementeryo sa bayan ng Sarrat.
Ayon sa CBCP, aabutin ng ilang taon bago maglabas ng desisyon ang Roma sa ‘beatification at canonization’ ni Ruiz-Abad.