LPA silangan ng Surigao del Sur maaring maging bagyong 'Egay' mamaya
MANILA, Philippines — Isang sama ng panahon ang nagbabadyang maging tropical depression pinakamaaga ngayong Miyerkules, ito kahit mainit pa rin ang panahon sa malaking bahagi ng bansa kasabay ng El Niño.
Huling kasing namataan ang isang low pressure area 710 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, ayon sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 4 a.m.
"Nakikita pa rin natin 'yung malaking tiyansa na ito'y maging bagyo, kung hindi po ngayong araw o bukas at tatawagin nga natin itong 'Egay,'" wika ni DOST-PAGASA weather forecaster Obet Badrina.
"Bagama't nga maging bagyo ito, wala pa rin itong direktang magiging epekto sa anumang bahagi ng ating bansa."
Ang Intertropical Convergence Zone pa rin ang magdadala ng maulap na kalangitan na may posibilidad ng pag-ulan partikular sa Mindanao at Eastern Visayas.
Halos wala namang kaulapan sa Luzon at malaking bahagi ng Kabisayaan, dahilan para maging mainit ang panahon sa mga nabanggit na lugar. Gayunpaman, posible ang mga thunderstorms sa hapon hanggang gabi.
Umiiral na sa ngayon ang El Niño phenomenon sa tropical Pacific kung kaya't maaasahang magiging "below-normal" ang rainfall conditions sa malaking bahagi ng bansa sa maliban sa kanlurang bahagi dulot ng Habagat.
- Latest