Sa kabila ng pangamba ng ilang sektor, Maharlika Investment Fund batas na
MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund Act of 2023 — ito sa kabila ng babala ng ilang grupong maaabuso ito o hindi kaya'y uubos sa pensyon ng karaniwang tao oras na malugi.
Layunin ng Republic Act 11953, na pinirmahan ni Bongbong ngayong Martes, na suportahan ang economic goals ng administrasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng unang "sovereign wealth fund" ng gobyerno.
"The MIF is a bold step towards our country’s meaningful economic transformation," wika ni Marcos Jr. ngayong araw sa isang signing ceremony.
"Just as we are recovering from the adverse effects of the pandemic, we are now ready to enter a new age of sustainable progress, robust stability, and broad-based empowerment."
Bibigyan ng RA 11954 ng kapasidad ang gobyernong mamuhunan sa lahat ng mga importanteng proyekto gaya ng agrikultura, imprastruktura, atbp.
May potensyal din daw ang pondong makapagpasok ng external financing, bagay na magbabawas daw pangangailangan ng gobyernong umutang o 'di kaya'y magpataw ng buwis.
"The establishment of a sovereign wealth fund will widen the government’s fiscal space and ease pressure in financing public infrastructure projects," dagdag pa ng presidente.
"Through the fund, we will accelerate the implementation of the 194 National Economic and Development Authority Board-approved—NEDA—approved, flagship infrastructure projects."
Pagkukunan ng pondo
Makakukuha ang Maharlika Investment Crop. ng hindi bababa sa P75 bilyon sa paid-up capital ngayon 2023. Nangangahulugan ito ng P50 bilyon mula sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines, na parehong bangko ng gobyerno.
Maglalagak din ng P50 bilyon dito mula sa dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Kasama ring pagkukunan ang share ng gobyerno sa state-owned Philippine Amusement and Gaming Corp.
Bubuuin ang capital stock ng P500 bilyon, bagay na hinati sa 5 bilyong shares sa presyong P100. Bubuuin ito ng 3.75 bilyong common shares, katumbas ng P375 bilyon, at 1.25 bilyong preferred shares (P125 bilyon).
Nangangamba ang ilang ekonomista at grupong "problematiko" ang batas lalo na't posibleng magamit daw bilang seed money ang pensyon funds. Paglilinaw ng gobyerno, tinanggal na ito sa pinal na bersyong nakaabot sa presidente ngayong Hulyo
Naniniwala ang mga nagtatanggol nito sa Konggreso na magdudulot ito nang maraming benepisyo sa kabila ng batikos na natatanggap.
Sabi ng Diyos: Huwag magnakaw
Nagkasa naman ng kilos-protesta ang grupong Student Christian Movement of the Philippines laban sa pagpasa ng batas patungkol sa isyu ng transparency at panggagalingan ng pondo, lalo na ang P500 bilyong capital funding ito.
Si Bongbong din ang may kapangyarihang magtalaga ng miyembro sa board of directors ng Maharlika Investment Corp., ito habang idinidiing mga malalapit sa presidente ang mailagay dito.
"Veto Maharlika Bill and instead allocate money for more and better social services. Instead of addressing calls for substantial and material policies such as wage increase, genuine agrarian reform, and response to the education sector, Marcos Jr. resorts to two-faced policies and gambling of public funds," ani Kej Andres, tagapagsalita ng SCMP.
"Public funds must not be gambled, especially that any losses from this Maharlika Scam will be shouldered by the people and any wins will be raked by Marcos and his cronies."
— may mga ulat mula kina Ramon Royandoyan, Cristina Chi
- Latest