MANILA, Philippines — Lumakas ang bagyong Dodong habang kumikilos sa kanlurang direksyon at nasa karagatan na ng Laoag, Ilocos Norte.
Alas-5 ng hapon ng Biyernes, ang sentro ng bagyo ay namataan ng PAGASA sa coastal waters ng Laoag, taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro bawat oras at pagbugso na aabot sa 75 km per hour.
Dulot nito, itinaas ang Signal No.1 sa Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, Apayao, Ilocos Norte, Abra, Ilocos Sur, Mountain Province, Kalinga at hilagang bahagi ng Isabela.
Inaasahan na magpapaulan si Dodong ngayong Sabado sa Cagayan, Apayao, Kalinga, Abra, Benguet, Ilocos Norte, La Union, at Pangasinan na maaaring magdulot ng pagbaha at rain-induced landslides.
Paiigtingin din ni Dodong ang habagat na magdudulot ng mas malakas na ulan at bugso ng hangin sa naturang lugar.
Sa araw ng Linggo, makakaranas ng ulan ang MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Cavite, Zambales, Bataan, Aurora, Pangasinan, La Union, Isabela, at Benguet.
Sa susunod na 24 oras, ang bagyo at habagat ay magdudulot ng katamtaman hanggang sa maalong karagatan sa eastern at western seaboards ng Northern Luzon gayundin sa western seaboards ng Central at Southern Luzon.
Pinapayuhan ang mga maliliit na bangka sa nabanggit na mga lugar na huwag papalaot dahil sa malalaking alon sa karagatan.
Inaasahang lalabas si Dodong ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Samantala, nakaalerto na ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional offices para ayudahan ang mga maaapektuhan ng bagyong Dodong.