LTFRB sa transport groups: 'Wag ituloy tigil-pasada sa SONA ni Marcos Jr.

Jeepneys ply their routes in Manila on Tuesday ahead of the anticipated week-long transport strike next week by transport groups calling on the Land Transportation Franchising and Regulatory Board to shelve the public utility vehicle modernization program.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nakiusap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa grupong MANIBELA na planong magkasa ng tatlong araw na transport strike kaugnay ng kontrobersyal na PUV modernization program.

Miyerkules lang nang ianunsyo ng grupo ang plano nilang tigil pasada mula ika-24 hanggang ika-26 ng Hulyo, ito matapos daw silang "hindi na kausapin" ng Department of Transportation tungkol sa pag-aaral ng Omnibus Franchising Guidelines.

Layon ng naturang panuntunang tanggalin sa kalsada ang mga tradisyunal na jeepney atbp. kapalit ng mga modernong public utility vehicles, bagay na milyun-milyon kada unit at 'di abot-kaya para sa ilang tsuper at operator.

"Nananawagan kami na hindi sana matuloy 'yung transport strike kasi ang hindi natin nakikita rito, hindi lamang ito tungkol lamang sa modernization at tsaka sa stakeholders natin na affected by the implementation of the program," ani Mercy Jane Paras-Leynes, board member ng LTFRB, sa media ngayong Huwebes.

"Ang pinaka-importanteng konsiderasyon dapat 'yung mga welfare ng ating mga mananakay. Kasi sila talaga 'yung tatamaan kung matutuloy itong transport strike."

Kabilang sa mga panawagan ngayon nina Mar Valbuena, presidente ng MANIBELA, ang biglaang jeepney phaseout, muling pagpayag sa limang taong individual franchises ng mga operator at pagpigil sa sapilitang konsolidasyon sa mga kooperatiba at korporasyon.

Marso lang nang magplano ang MANIBELA at militanteng grupong PISTON ng isang linggong tigil-pasada para tutulan ang napipinto noong June 30 phaseout sa mga tradisyunal na jeep na nasa ilalim ng indibidwal na operators, deadline na naipagpaliban patungong ika-31 ng Disyembre.

Matatandaang itinigil ng transport groups ang welga matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aaralin nila ang rebisyon ng PUV modernization program.

Paghahanda ng gobyerno, pakikipag-usap

Taliwas sa sinasabi nina Valbuena, naninindigan ang LTFRB na bukas naman sila sa pakikipagdayalogo at konsultasyon sa mga grupo, ito habang sinasabing madalas pa nga ang mga nabanggit sa LTFRB.

Naghahanda na rin daw ang pamahalaan upang makatulong sa mga mananakay na posibleng maapektuhan ng nabanggit na welga.

"Meron namang laging backup plan [na mga sasakyan] ang LTFRB kasama 'yung mga partner agencies natin... If this pushes through, we will ensure that there are alternative means of transportation for the commuters," dagdag pa ni Paras-Leynes.

"Simula nitong administration na ito, what we did is to conduct consultations... Talagang araw-araw... nakikipagdayalogo sa transport [groups]."

Kaugnay ng transport strike, na sasabay sa ikalawang state of the nation address (SONA) ni Marcos Jr., ipinapanawagan din ngayon nina Valbuena ang pagbibitiw ni Transport Secretary Jaime Bautista. Hindi pa rin siya tumutugon sa panayam ng Philstar.com.

Mga lunsaran ng protesta

Kanina lang nang sabihin ni Valbuena sa Philstar.com na maaapektuhan ang ruta ng ilang tsuper ng PUV mula Luzon hanggang Mindanao dahil sa paglahok ng nasa 300,000 ng kanilang kasapi.

Kabilang na rito ang mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region
  • Pangasinan
  • Cagayan Valley
  • Central Luzon
  • CALABARZON
  • MIMAROPA
  • Visayas
  • Davao Region 
  • Saranggani 
  • Cagayan de Oro
  • Bicol Region

Hindi pa malinaw kung magtitigil-pasada rin ang PISTON sa ikalawang SONA ni Bongbong, ngunit tiniyak nilang sasama sila sa mga protesta sa araw na ito habang nilalabanan ang "bogus" na modernisasyon.

Nilinaw nilang pabor sila sa pagsasaayos ng mga jeep ngunit sana'y tunguhin daw ang pagmamanupaktura ng Pilipinas sa lokal na pampublikong sasakyan at modernisasyon sa pamamagitan ng rehabilitasyon.

Show comments