Singil sa kuryente bababa ngayong Hulyo

Stock image of electricity meters.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng P0.7213 kada kilowatt hour (kWh) na tapyas sa singil sa kuryente ngayong Hulyo.

Dahil sa bawas-singil, ang overall electricity rate ng isang typical household ay aabot na lamang sa P11.1899/kWh mula sa P11.9112/kWh noong nakaraang buwan.

Ayon sa Meralco, ang bawas sa singil ay dulot ng pagbaba ng presyo ng kuryente mula sa mga suppliers o generation charge, gayundin ng charges ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), power supply agreements (PSAs) at mga independent power producers (IPPs) at ma­ging sa transmission at other charges, kabilang na ang taxes at subsidies na nakapagtala rin ng net reduction.

Ang naturang bawas-singil ay katumbas ng P144 na bawas sa bayarin ng mga kostumer na kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; P216 tipid sa mga nakakagamit ng 300kwh; P288 sa 400kwh at P360 sa 500kwh kada buwan.

Kaugnay nito, nanawagan din naman ang Meralco sa kanilang mga kostumer na mag-aplay ng lifeline discounts, kasunod ng pag-amiyenda sa rules para sa kanilang Lifeline Rate program.

Kabilang sa mga kuwalipikadong mag-aplay dito ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o mga miyembro ng margi­nalized sector na nakakuha ng sertipikasyon mula sa lokal na social welfare and development office.

Show comments