MANILA, Philippines — Tatamaan ang nasa 66 na lugar sa bansa ang maaaring makaranas ng dry condition, dry spell at tagtuyot hanggang sa katapusan ng taon dahil sa El Niño.
Sa advisory ng Department of Agriculture–Disaster Risk Reduction and Management Section (DA-DRRMC), 28 lugar sa bansa ang maaaring makaranas ng dry condition — tatlo sa Luzon, lima sa Visayas at 20 sa Mindanao.
Samantala, nagbabadya ang dry spell sa 36 na lugar — 32 sa Luzon at apat sa Visayas.
Maaaring makaranas ng tagtuyot ang mga lalawigan ng Camarines Norte at Southern Leyte.
Ang dry spell ay tinukoy bilang tatlong magkakasunod na buwan ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan (21-60 porsyentong pagbawas mula sa average na pag-ulan) habang ang dry condition ay dalawang magkasunod na buwan ng mas mababa sa normal na kondisyon ng ulan (21-60% na pagbawas mula sa average na pag-ulan).
Ang tagtuyot ay tatlong magkakasunod na buwan na mas mababa sa normal na pag-ulan (60% pagbawas mula sa karaniwang pag-ulan).
Nitong Hulyo 4, itinaas ng PAGASA sa El Niño Advisory ang Alert and Warning System mula sa El Niño Alert.