MANILA, Philippines — Binira ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mas pinaigting na umano’y pangha-harass ng mas malalaking barko ng Chinese Coast Guard (CCG) katuwang ang barko ng People’s Liberation Army sa may Ayungin Shoal.
“It appears that the CCGVs are exerting additional effort to prevent the PCG from reaching Ayungin Shoal,” ayon kay CG Commodore Jay Tarriela, spokesperon ng PCG sa WPS issues.
Kaugnay ito sa pag-escort ng dalawang barko ng PCG sa isang bangka na maghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Hunyo 30.
Ngunit inireklamo ng PCG ang aksyon ng CCG nang maging agresibo ang mga ito nang makarating sila may 12 nautical miles sa shoal. Dito sila sinundan, hinarass at hinarangan umano ng mga barko ng CCG na may 100 yarda ang agwat sa kanilang mga barko.
Sinabi ni Tarriela na muling nilabag ng CCG ang isinasaad ng Convention on International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGs) sa pagharang sa mga barko ng CCG.
Naghayag din ng pagkabahala ang PCG sa presensya ng dalawang barko ng PLA-Navy sa Ayungin Shoal, lalo na at ang misyon ng Philippine Navy ay ‘humanitarian’ lamang.
“Despite this, the Chinese have deployed their warships, raising even greater concerns,” saad pa ni Tarriela.