El Niño nagsimula na - PAGASA

PAGASA Officer in Charge Dr. Esperanza Cayanan conducts a press briefing following the agency’s declaration of El Niño in the country on July 4, 2023.
Photos by Jesse Bustos/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Pormal nang nagsimula ang El Niño phenomenon sa bansa.

Ito ang idineklara sa ginanap na briefing ng PAGASA kahapon at nagsabing naitaas na nila ang antas ng warning status mula El Niño Alert na ngayon ay El Niño Advisory.

Ayon sa PAGASA, mahina pa ang kasalukuyang El Niño pero nagpapakita na ng mga senyales na titindi ito sa mga darating na buwan.

“Isipin niyo po na ‘yung El Niño ay galing sa Pacific pero ‘yung hangin na dumarating, ‘yun ‘yung nararamdaman natin, na kulang ang dalang tubig,” pahayag ni DOST chief Renato Solidum Jr.

Ang El Niño phenomenon o panahon ng tagtuyot ay may abnormal warming ng sea surface temperature sa central at eastern equatorial Pacific Ocean at mas mababa sa normal ang pag-ulan.

Kaugnay nito, sinabi ni PAGASA climate monitoring and prediction section chief Annalisa Solis na naideklara nila ang paglitaw ng El Niño sa Tropical Pacific makaraang magtala ang Oceanic Niño Index ng 0.5°C nitong nagdaang buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.

Dahil anya sa El Niño, nitong June 30 ang tagtuyot ay naranasan na sa Apayao, Cagayan, at Kalinga base sa 60 percent na bawas sa inaasahang pag-ulan sa nabanggit na mga lugar. Nakaranas din ng dry condition sa Isabela at Tarlac.

Dahil naman sa epekto ng Habagat ay maaaring makaranas ng above normal rainfall conditions sa kanlurang bahagi ng bansa mula Hulyo hanggang Setyembre.

Simula sa Oktubre, Nobyembre, Disyembre at Enero 2024 ay unti-unting mararamdaman ang potensiyal na epekto ng El Niño sa bansa.

Show comments