MANILA, Philippines — Suportado ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Percida Acosta ang panukala na pagtrabahuhin sa mga pampbulikong ospital ang mga nurses na hindi pa pumapasa sa board examinations.
“‘Wag natin matahin ang mga underboard,” panawagan ni Acosta sa mga tumutuligsa sa panukala ni Health Secretary Ted Herbosa.
Ipinaliwanag ni Acosta na maging sa kanila sa PAO ay nakakapagtrabaho ang mga law graduates kahit hindi pa sila pumapasa sa Bar Examinations.
Importante umano ay nakakapagpakita sila ng ‘competence’ o kakayahan na gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Naniniwala si Acosta na kinalaunan ay makakapasa rin sa Board Exams ang mga nurses dahil sa lalo nilang maiintindihan ang mga pinag-aralan kung kanilang personal nang magagampanan ang mga ito.
Sinabi niya na puwede naman na mabigyan ng kontrata sa gobyerno ang mga nursing graduates at mas malaki pa ang matitipid ng pamahalaan sa pagkuha ng kanilang serbisyo.
Sa panukala ni Herbosa, layon nila na solusyunan ang kakulangan ng nasa 4,500 plantilla positions para sa nurses sa mga pampublikong ospital dahil sa mas pinipili ng mga nurses lalo na ang pumasa sa Board Exams na sa ibang bansa magtrabaho dahil sa alok na mas malaking sahod.