Pag-alboroto ng Mayon, mas tumindi

Mayon Volcano continues to spew smoke and lava on June 16, 2023.
Photos courtesy of Jay Carolino/Gineer Shutters

Residente sa 7-8 km EDZ pinaghahanda sa paglikas

MANILA, Philippines — Mas naging aktibo pa ang Bulkang Mayon dahil sa mga naitalang aktibidad sa nakalipas na 24 oras.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagtala ang Mayon ng 17 dome-collapse pyroclastic density current events sa nakalipas na magdamag.

Nagtala rin ang bulkan ng 65 volcanic earthquake at 254 rockfall events.

Naobserbahan din ang pagluwa ng lava mula sa crater ng bulkan kung saan maliban sa Miisi Gully at Bonga Gully sa south quadrant ay dumaloy na rin sa Basud Gully sa north at northwest part ng Mayon na umabot agad sa habang mahigit 3 hanggang 4-kilometro pababa na nagdala ng ash clouds sa taas na isang kilometro.

Naitala na rin ang ashfall sa bahagi ng Tabaco City at tumaas sa 1,002 tonelada bawat araw ang ibinugang asupre.

Halos magdamag na nagbantay kahapon ang mga city at municipal disaster risk reduction ma­nagement office ng mga bayan at lunsod na nasa paligid ng Mayon lalo na sa Tabaco City at bayan ng Sto. Domingo dahil sa lu­malakas na daloy ng lava.

Inatasan na ng mga disaster managers ng mga LGU ang kanilang mga residente na pasok sa 7 to 8 extended danger zone sa posibleng paglilikas sakaling patuloy na lumala ang ipinakikitang aktibidad ng bundok.

Inatasan din ang mga opisyal ng barangay na tukuyin na ang mga pick-up points kung saan pwedeng mag-ipon ang mga lilikas na residente.

Si Sto.Domingo Mayor Joseling Aguas Jr. naman ay muling pinahahanda ang kanilang mga residente na nasa loob ng 7 to 8 extended area, lalo na sa mga barangay ng Lidong, San Fernando at Fidel Surtida na una nang pina-uwi sa ginawang decampment noong nakalipas na linggo para sa posibleng muling paglikas.

Nagpadala na rin siya ng mga sasakyan sa Brgy. Lidong para kung may residenteng natatakot at gustong muling bumalik ng evacuation center ay pwede nang lumikas muli. — Jorge Hallare

Show comments