778 political prisoners hiling mapalaya sa ika-1 anibersaryo ng Marcos admin

Litrato ng mga nananawagan sa pagpapalaya ng political prisoners, gaya nina Isabelo Adviento at Karina dela Cerna ngayong ika-29 ng Hunyo, 2023
Released/NNARA-Youth

MANILA, Philippines — Sa unang anibersaryo ng pagkakaluklok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nananawagan ngayon ang mga progresibong mapalaya ang napakaraming political prisoners na nananatili sa loob ng mga karsel sa loob ng Pilipinas.

Ito ang panawagan sa ngayon ng sari-saring grupo sa isang protesta sa Bantayog ng mga Bayani sa Lungsod ng Quezon, Huwebes, bagay na pinangunahan ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA).

Kabilang sa mga lumahok sa event ang ilang dating political prisoners simula pa ng panahon ng diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. — na siyang nagdeklara ng Batas Militar — hanggang sa panunungkulan ni Bongbong.

Dagdag pa nila, tila tinutuloy lang daw ni Marcos Jr. ang mga gawi ng kanyang nasirang ama, 

"Led by SELDA (Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto), the activity will highlight the cry for freedom of the 778 political prisoners nationwide (as of June 27, 2023), 49 of whom were arrested and detained under Marcos Jr," banggit ng SELDA.

'Marami sa kanila magsasaka, gawa-gawa kaso'

Ayon naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na siyang sumuporta rin sa naturang event kanina, marami sa mga nakakulong ngayon dahil sa pulitikal na paniniwala ay mga pesante na "sinampahan ng mga kasong kriminal dahil sa pakikipaglaban para sa lupa."

Karamihan aniya sa mga  political prisoners na nahuli at nakulong sa ilalim ni Marcos Jr. ay nagmula sa mga sumusunod na lugar, ayon sa Karapatan:

  • Northern Mindanao: 105
  • Caraga: 93
  • Western Visayas: 90
  • Central Visayas: 85
  • National Capital Region: 104

"Mga kaso sa lupa o agrarian disputes na karaniwang nagiging mga gawa-gawang kaso kriminal na walang piyansa ang kinakaharap ng mga magsasakang political prisoners. Dahil nasa malayo at karaniwang walang akses sa legal na tulong, tumatagal ang mga kaso at marami ang nako-convict," ani KMP chairperson Danilo Ramos.

"Ang panawagan namin, palayain ang mga bilanggong pulitikal lalo na ang mga matatanda at maysakit, mga mag-asawang political prisoners, mga menor de edad na bilanggo. Marami na ang mga nagkasakit at namatay sa kulungan na hindi man lang nakalaya."

"Wala dapat nakukulong dahil sa kanyang mga pampulitikang paniniwala at prinsipyo. Karaniwan na ginagawang weapon o sandata ng gobyerno ang mga batas para sikilin ang mga malayang karapatan ng taumbayan."

Karina dela Cerna: Pinakabatang detainee

Idiniin naman ng NNARA-Youth sa parehong event ang kaso ng kanilang Deputy Secretary General na si Karina dela Cerna, ang pinakabatang political prisoner sa Negros Island, pati na ng kaniyang amang si Albert at Pillar na ilang taon nang nakakulong dahil daw sa gawa-ggawang kaso.

Nobyembre 2019 lang nang kasuhan ng illegal possession of firearms and explosives sina Karina, ito habang idinidiin ng militar na miyembro sila ng Komiteng Rehiyonal-Negros-Cebu-Siquijor-Bohol diumano ng New People's Army.

Una nang sinabi ng KMP na "defective" ang search warrant na ginamit sa serye ng mga raid sa Bacolod nang mangyari ang hulihan Oktubre noong parehong taon. Ibinasura ng Bacolod court ang mga warrant na ito noong Pebrero 2021 ngunit charged pa rin ang pamilya Dela Cerna ng dalawang counts ng human trafficking — bagay na politically motivated daw sabi ng mga grupo.

"Karina is a young peasant advocate who served the landless farmers in Negros. She is a victim of the Duterte regime’s crackdown on dissent," wika ni Marina Cavan, tagapagsalita ng NNARA-Youth.

"We demand the immediate and unconditional release of the Dela Cernas and all political prisoners in the Philippines!"

Nag-iipon ngayon ang NNARA-Youth ng pondo upang mabayaran ang piyansa ng mga Dela Cerna, bagay na nagkakahalaga ng P1.2 milyo sa kabuuan. P200,000 ito kada miyembro ng pamilya.

Martes lang nang sabihin ng Human Rights Watcg na "kakaonti" ang nagawa ni Bongbong para pahusayin ang human rights protections sa Pilipinas, bagay na nag-iwan nang malaking atake sa Kaliwa, kabilang mga mga maka-kalikasan at katutubong aktibista.

Bagama't iprinepresenta ni Bongbong ang sarili bilang mas "moderate" kumpara kay Duterte, tuloy pa rin ang mga serye ng red-tagging ng gobyerno. Tuloy-tuloy pa rin ang kanyang crackdown sa droga ngunit sinasabing mas pokus na ngayon na prevention at rehabilitation.

Show comments